Ano ang corona at ano'ng magagawa ko tungkol dito?

Ang coronavirus o corona ay isang maliit na mikrobyo (masyadong maliit para makita gamit lang ang mga mata) na maaaring kumalat at magdulot ng sakit sa mga tao. Nagdudulot ang corona ng mga sintomas na katulad ng sa trangkaso gaya ng tuyong ubo, kakapusan sa paghinga, lagnat, at mga pananakit ng katawan. Kalakhang nakakaapekto ang corona sa sistemang respiratoryo. Bagama't hindi mapanganib ang karamihan ng mga impeksyon, maaari itong magdulot ng pulmonya (isang malalang impeksyon ng mga baga) at maaaring nakamamatay sa malulubhang kaso.

Maaaring magka-corona ang kahit sino. Ang matatanda at mga taong mayroon nang iba pang karamdaman, halimbawa mga karamdamang respiratoryo, kanser o diyabetes, ay may higit na panganib na makaranas ng mas malulubhang epekto.

Kumakalat ang corona mula sa isang nahawaang tao sa maliliit na talsik ng laway na inilalabas kapag sila ay humihinga, umuubo, o bumabahing sa mga tao, mga bagay o kagamitan, o sa pagkain. Pumapasok ito sa katawan sa pamamagitan ng bibig, ilong, at mga mata. Kapag nasa katawan na, nagsisimula itong mag-multiply at kumakalat sa iba pang bahagi. Maaaring mabuhay ang corona sa katawan nang hanggang 14 na araw bago lumitaw ang mga panlabas na palatandaan. Kaya maaaring magka-corona ang mga tao at hindi malaman ito, at maipasa ang virus sa iba.

Hindi napapatay ang corona ng mga antibiotic o mga lunas sa bahay. Mapipigilan lang ang corona sa pamamagitan ng pag-iwas na madikit dito at madalas na paghuhugas ng kamay.

Para mapigilan ang impeksyon, hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig. Gawin ito, kahit na kapag hindi nakikitang marumi ang iyong mga kamay. Maghugas nang maigi sa tumutulong tubig nang 20 segundo gamit ang sabon, at siguraduhing kuskusin ang ilalim ng mga kuko at isama ang buong kamay at pinagpupulsuhan. Ang paghuhugas ng iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig ay nakakapatay ng mga virus na maaaring nasa mga kamay mo. Palaging maghugas ng mga kamay bago, habang at pagkatapos mong maghanda ng pagkain, pagkatapos gumamit ng banyo, bago kumain, kapag nag-aalaga ng may sakit, pagkatapos humawak ng mga hayop o dumi ng hayop, at pagkatapos mong umubo, bumahing, o suminga.

Iwasang hawakan ang iyong mga mata, ilong at bibig nang hindi naghuhugas muna ng iyong mga kamay. Dumadampi ang mga kamay sa maraming bagay at kagamitan at maaaring makapulot ng mga virus. Kapag nakontamina, maaaring mailipat ng mga kamay ang virus papunta sa iyong mga mata, ilong o bibig. Mula roon, maaaring pumasok ang virus sa iyong katawan at maaari kang magkasakit.

Napakahalagang iwasan ang malapitang pakikipagsalamuha sa sinumang may lagnat at ubo o iba pang respiratoryong sintomas. Kapag umuubo o bumabahing, palaging takpan ang iyong bibig at ilong gamit ang iyong nakabaluktot na siko o gamit ang isang tisyu. Saka itapon kaagad ang ginamit na tisyu. Huwag dumura sa pampublikong lugar.

Magpanatili ng hindi bababa sa 1 metro (3 talampakan) na distansya sa pagitan ng sarili mo at ng sinumang umuubo o bumabahing. Iwasan ang malapitang pakikipagsalamuha sa sinumang may lagnat o ubo.

Kung kailangan mong alagaan ang isang taong may lagnat, ubo at hirap sa paghinga, huwag kalimutang magsuot ng pamprotektang mask o telang mask at partikular na ugaliin ang kalinisan sa kamay.

Para pigilan ang corona, pinakaligtas na iwasan ang pisikal na pakikipagsalamuha sa iba. Maaaring maipasa ang corona at iba pang virus sa pamamagitan ng pakikipagkamay at saka paghawak sa iyong mga mata, ilong at bibig. Kaya kapag nakikipagkita sa iba, huwag silang batiin sa pamamagitan ng pakikipagkamay, pagyakap o paghalik. Sa halip, batiin ang mga tao sa pamamagitan ng pagkaway, pagtango o pagyuko. Kung sa tingin mo ay may corona sa inyong lugar, manatili sa bahay upang maiwasan ang pakikipagsalamuha sa iba.

Manatili sa bahay kung magsimulang makaramdam nang hindi maganda, kahit na may mga hindi gaanong matinding sintomas tulad ng pagsakit ng ulo at bahagyang tumutulong sipon, hanggang sa gumaling ka. Kung ikaw ay bumabahing, may tuyong ubo, hirap sa paghinga at lagnat, humingi ng tulong medikal nang maaga dahil maaaring dahil ito sa isang impeksyon sa respiratoryo o iba pang malalang kondisyon.

Ang mga maling paniniwala at sabi-sabi tungkol sa corona ay maaaring maging napakamapanganib at makapatay pa ng mga tao. Halimbawa, ang pag-inom ng mga bagay tulad ng bleach o alak ay maaaring makapinsala sa iyo sa halip na mapigilan ang corona. Maging ang impormasyon na natatanggap mo mula sa mga kaibigan at malalapit na kamag-anak ay maaaring hindi tama o mapanganib. Sundin lamang ang tamang payo sa pampublikong kalusugan mula sa inyong lokal na awtoridad sa kalusugan.

Maaari kang tumulong na labanan ang corona sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mensaheng ito. Pakibahagi ito sa iyong mga kaibigan at kapamilya, gamit ang isang serbisyo sa pagmemensahe tulad ng WhatsApp kung maari.

Ang nilalamang ito ay ibinigay ng Audiopedia, isang pandaigdigang proyekto upang gawing napapakinggan ang kaalamang pangkalusugan. Alamin ang higit pa sa www.audiopedia.org