Paano ko haharapin ang hindi pagkakasundo sa dote

From Audiopedia - Accessible Learning for All
Jump to: navigation, search

Sa maraming bansa (halimba sa India, Pakistan, Nepal at Kenya), ang paghingi, pagbayad at pagtanggap ng pera kapalit ng pagpapakasal, ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas, na ang sinumang mapatunayang sumusuway, ay may kaparusahang pagkakakulong.

Sa kasamaang-palad, maraming pamilya ang hindi pa nakaaalam ng batas na ito at ang mga dapat gawin sakaling manghingi ng dote. Iniisip ng iba na kahiya-hiya ang magreklamo sa may kapangyarihan, at ito ay ikabababa ng kanilang kinalalagyan sa lipunan. Kaya ang tradisyon ay nananatilng sinusunod, kahit hindi na dapat.

Madalas pa rin ang hindi pagkakaintindihan tungkol sa pagbibigay ng dote. At kapag hindi nasiyahan ang mga biyenan sa doteng natanggap, minamaltrato ang manugang na babae, at maaaring gawin itong panakot na iiiwan ng asawa kung hindi magbibigay nang malaki-laking dote galing sa kaniyang mga magulang.

Kung ikaw ay minamaltrato ng pamilya ng iyong asawa dahil sa di pagkakasundo sa pagbigay ng dote, ang mga sumusunod ay maaari mong gamitin sa pagtatanggol ng iyong sarili:

1. Kumontak ng isang samahan ng mga kababaihan (kung meron) at magtanong kung ano ang dapat gawin.

2. Kung hindi naman ito posible, kumausap ng isang taong may kapangyarihan na iyong pinagkakatiwalaan (tulad ng health worker, o religous leader sa inyong pamayanan) o ibang kababaihan na may parehong karanasan tungkol sa dote. Mayroon sa kanila ang makapagbibigay-payo sa iyo, dahil siguradong hindi lang ikaw ang may problemang ganito.

3. Subukang humanap ng mga kapitbahay at kamag-anak na handang tumulong sa iyo. Sa maraming pagkakataon, kahit maliit na grupo lamang ang mamagitan ay sapat na upang mapaalam sa iyong mga biyenan na ang ganitong pag-uugali ay hindi kinukunsinti.

4. Kausapin mo ang iyong mga magulang, kapatid at ibang kamag-anak dahil mayroon kang karapatang humingi ng suporta at tulong tulad ng iyong mga kapatid. Tungkulin nila, kung kinakailangan, na kunin ka nila at iuwi sa inyong bahay para mailigtas sa pang-aabuso at/o sa karahasan. Hindi ka makakabigat o maituturing na kawang-gawa, dahil dapat unahin nila ang kaligtasan ng iyong buhay at tulungan kang makapag simula nang panibago. Sabihin na kung hindi ka nila pababalikin sa inyong bahay, parang sila na rin ang may kasalanan sa pang-aabusong ginagawa sa iyo, at sa kasukdulan, kung ikaw ay mapatay ng iyong mga biyenan.

5. Maaari ring isipin ang magkaso kung ikaw ay nasa bansang ang ipinagbabawal at pinarurusahan ng batas ang pagbibigay ng dote. Subali't dapat isiping maigi bago pumunta sa pulis o sa hukuman, dahil marami sa mga bansang tanggap pa ang pagbibigay ng dote, o mahina pa ang sistemang ligal, kaya ang iyong mga pagsisikap ay baka mabale-wala lamang. Hangga't maaari, kumontak ng samahan ng mga kababaihan bago gumawa nang anumang aksiyon, dahil sila ang makapagsasabi kung ano laban mo sa kaso.

Walang karapatan ang kahit sinong magpresyo sa isang babae, o tumanggap o tanggihan ang pagpapakasal na naaayon sa salapi o mga regalong kaniyang dala o bigay. Ang bawa't babae ay karapat-dapat lamang na igalang at itrato ng may dignidad.


Sources
  • Burns, A. A., Niemann, S., Lovich, R., Maxwell, J., & Shapiro, K. (2014). Where women have no doctor: A health guide for women. Hesperian Foundation.
  • Audiopedia ID: fil021016